Aug 19, 2010

Pagkamatay ng Libog

Madalas akong magpunta sa Bo's Coffee Greenhills noong high school. Doon ako nagsusulat sa aking journal/diary/idea book - hindi pa uso ang blog noon kaya naman wala pang litrato at hindi masyadong halata ang istilo ng pagsusulat. Mabuting magulo at direcho dahil nawawala ang mga ideyang dumadaplis na lang bigla.


Mula sa aking kinauupuan, natatanaw ko ang banal na sakramento dahil may kapiliya katapat ng Bo's. Tahimik ang lugar, wala masyadong tao at talaga namang makapagiisip ka ng mabuti at tuloy tuloy.


Bumalik ako kanina doon para magaral ng Pilosopiya ni Nietzsche para sa pabigkas naming pagsusulit at sumasangayon ako sa ama ng nihilismo na nawalan na ng libog ang karamihan ng mga tao - lalo na sa aking henerasyon kung saan nakatali sa sistema at kulturang nakasanayan na. Pinatay na yata ang kakayahan nilang mamili at isabuhay ang kanilang gusto.


Ginapos na ng lohika at pagiging praktikal ang dapat malayang kalikasan ng tao. Ang isang bata ay hinulma ng sistema ng edukasyon na kailangan niyang mag aral ng mabuti, magtapos at maghanap ng trabaho. Sila na ang nagdikta kung ano ang dapat gawin. Ganun rin ang batas na naglilimita sa matatandang magtrabaho kung naabot na niya ang 60 o 65 na taong gulang.

Kaya nga dapat pumiglas sa pagkakagapos na dulot sa mga naghahari-hariang institusyon gaya ng relihiyon o kapitalismo upang matupad ng tao ang kaniyang sarili. Ginagamit lang natin sila para agad mapunan ang pangangailangan at makahanap ng sagot sa mga katanungan - saan na tuloy lulugar ang free will kung may nakatakdang batayan (moralidad) na bago pa ito magamit?

Nawalan na ng libog ang tao - unti unting lumabnaw ang masidhing paghahangad na mabuhay. Hindi ko hinihiling ang pagwasak ng lahat ng institusyon dahil sa maliliit na komunidad ay may mga sistema namang epektibo at nakasanayan na kaya hindi na kailangang panghimasukan pa. Dapat patayin natin ang iisang diyos na nagdikta sa tao kung ano ang dapat gawin kapalit ang pagsasantabi sa mas nakararami.

At sa pagpatay natin sa diyos na ito, tayo mismo ang magiging diyos, 'tayo ay diyos' - sabi nga ni San Pablo (St. Paul) sa bibliya. Tayo ang gagawa ng sariling landas natin tungo sa sariling kaganapan - mas magiging liberal at demokratiko at marahil siguro, maibabalik ang libog na matagal ng nawala.

1 comment:

speak said...

It is nice that you have noticed how the dictates of a modern society seemed to have taken toll at your philosophical meanderings. But notice also that the struggle for freedom from the constraints (if they are constraints) of the norms have been present even before Nietzsche's time, and the very affirmation of the 'self' have been the catalyst to such new constraints. If self is indeed affirmed, then what 'self' are we right now following but the post-modern philosophy of people like Nietzsche, who advocated such a wonderful, but undeniably egotistical, perspective of Reason. To put it simply, the affirmation of the self is a way of dictating a new 'god' which society would follow. Affirming oneself is the beginning of a new norm.