Jun 2, 2009

Sa LRT

Kapa sa kanan, kapa sa kaliwa. Pagkatapos inspeksyonin, bumaba ako sa hagdanan na pinagmamasdan ang mga mukhang hindi man lamang maaninagan, mga taong hindi na tinitingnan kung lumalapat ba ang suwelas ng kanilang mga sapatos sa mga baldosa ng hagdan. “Mama, tabi,” sabi ng isang lalaking huli na sa kanyang trabaho. Ipinasok ko ang card sa makinaryang kasing bilis ng hanging lumamon sa aking tiket. Labing apat na piso lamang upang makasakay ng LRT, umaabot pa nga minsan ng labing isa. Sa mumunting barya’y makikita mo na ang Maynila sa ibang perspektiba.

Pumipitada na ang tren ng makababa ako sa pangalawang escalator. Nagbukas ang pinto sa matinis na pito ang gard. Malamang sa hindi na bakante nanaman ang mga upuan sa bandang harapan. Ayaw o tamad kasi ang mga taong maghanap ng disenteng mauupuan; lahat nagmamadali. Tiningnan ko ang sariling repleksyon sa bintanang kaharap pagkatapos kong umupo. Maayos ang aking buhok, ngunit may bakas ito ng pagod mula sa isang araw sa Ateneo. May umokupa na sa tabi ng repleksyon: babaeng naka unipormeng marahil galing sa trabaho, samantalang dalawang estudyante pa ang pumuwesto sa gawing kanan ko. Bumusina ang tren; pumito ang gard; nagsara na muli ang mga pinto.

Nagtaka ang repleksyon sa aking harap kung bakit walang humpay na nagtetext lamang ang babaeng katabi niya. Hindi man lamang niya mapansin ang kakaibang sinag ng araw ngayon na matapos tumagos sa mga gusali ng Maynila ay mga pasang mahuhulog na lamang sa kalsada. Bakit walang kibo ang estudyanteng nagaaral ng matematika kung nagiging alipin na ang mga punong nadaraanan sa sabit-sabit na linya ng kuryente? Nakatali ang kalooban ng mga halaman kahit na gustong sumunod sa ihip ng hangin. Tuluyan na ngang natakpan ng mga gusali at poste ang mga bundok malapit sa Marikina. Inalis ko na ang aking paningin sa repleksyon sa salamin ilang minuto pa ang nakaraan. Malapit na ako sa aking destinasyon. Bumusina ang tren; pumito ang gard; nagbukas na ang mga pinto.

Nakipagunahan ako sa escalator dahil gusto ko nang makauwi. Ipinasok ko agad ang ticket at muntik pa nga itong makalimutan. Labing limang minuto ang biyahe sa LRT; kay tagal na biyahe kung ikukumpara sa bullet train ng mga Hapon. Nakakapagod ang mundo; lahat nagmamadali.

No comments: